Wariin kung paanong hindi magiging balanse ang isang musikero kung isang uri lang ng musika ang pag-aaralan niya. Tayo ay lumalago at umuunlad nang mas mabilis kapag binalanse natin ang ating espirituwal na pag-aaral sa pag-aaral sa paaralan at pagtatrabaho nang husto, tulad ng ginawa ni Jesucristo nang humayo siya sa mundo, na inoobserbahan ang kalikasan at natututuhan ang mga gawain ng isang karpintero. Makabubuting sundin natin ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng “[paglaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52).
Ang mga Mormon ay hinihimok na pag-aralan ang tungkol sa sekular gayundin sa espirituwal. Ang sekular na kaalaman ay sinasabing tungkol sa mga bagay na natututuhan natin sa paaralan—matematika, agham, kasaysayan, literatura, mga wika, musika at iba pa. Ang espirituwal na kaalaman ay ang natututuhan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal at pagsisimba—mga bagay na kagaya ng Plano ng Kaligayahan ng ating Ama sa Langit, Ebanghelyo ni Jesucristo, at kung paano magkaroon ng pananampalataya. Ang dalawang uring ito ng kaalaman ay tinutulungan tayong malaman kung paano harapin ang ating sari-sariling mga hamon sa balanseng paraan.
Pumarito tayo sa lupa ayon sa plano ng Diyos, para matutuhan at maranasan natin ang lahat ng magaganda at mahihirap na bagay na ituturo sa atin ng mundo, at kailangan nating maging mahuhusay na estudyante para maging makabuluhan ang ating panahon dito.
Ang sekular na kaalaman at espirituwal na kaalaman ay maaaring magkatulungan. Dahil nilikha ng Diyos ang daigdig at ang mga bagay na naririto, ang pag-aaral ng geology, physics at biology ay nagtuturo pa sa atin ng tungkol sa kadakilaan ng ating Lumikha. Ang mga awtor at makata ay maaaring sumulat nang may inspirasyon ng langit, kaya ang pagbabasa ng kanilang likha ay makapagbibigay sa atin ng ideya tungkol sa likas na katangian ng ating mga kaluluwa at ang kahulugan ng pagiging tao. Kung minsan ang pakikinig sa isang piyesa ng musika ay makatutulong sa atin na madama ang pag-ibig ng Diyos. Magkakaroon ng sekular na kaalaman at espirituwal na kaalaman mula sa mga talakayan. Pareho itong nangangailangan ng obserbasyon, sigasig, at pagsasagawa. Kaya kahit kung minsan ay iniisip natin na magkatunggali ang sekular at espirituwal o magkasalungat pa, ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at sa mundong Kanyang nilikha ay nagpapakita sa atin na ang pag-unawa sa isa ay nakatutulong para maunawaan naman ang isa.